Huwebes, Setyembre 1, 2011

http://pantawid.dswd.gov.ph/

Pantawid Pamilyang Pilipino Program

 Naranasan mo nang magutom? Hindi dahil nagda-diet ka kungdi wala kang mailaman sa iyong sikmura. Nakakalito na ang Pilipinas ay isang bansang agrikultural pero maraming bibig ang walang makain o nalilipasan ng gutom. Ang iba, mas pinipiling itulog na lang ang  pagkalam ng sikmura. Ang sama sa pakiramdam kapag gutom, umaakyat sa utak. Nakakaburyong, kapag naburyong,  bad trip ang buhay.
Ngayon, maninisi na naman tayo. Kasalanan ng mga pulitiko ‘yan. Kasalanan ng pamahalaan ‘yan. Eh tayo, wala rin ba tayong pagkululang?
Balik tayo sa ating pamahalaan, meron bang programa para maibsan ang malnutrisyon at kahirapan dito sa atin?
Ang Conditional Cash Transfer Program o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na mas kilala sa masang Pilipino na 4P’s ay programa ng pamahalaan sa mga mahihirap nating kababayan sa pamamagitan ng tulong pinansiyal. Nakasaad din sa programa na gagamitin ang pera sa edukasyon at kalusugan ng mga anak ng kuwalipikadong pamilya. Tatanggap ng 300 pesos ang bawat bata para sa edukasyon at 800 pesos naman para sa kalusugan kada buwan. Ang inisyal na 2.2 bilyong pesong budget para sa programang ito ay ipinamudmod na sa pangunguna ni Secretary Dinky Soliman. Tinatayang mas malaking porsiyento ng mga beneficiaries ay sa Mindanao at Visayas, mahigit kumulang 60 thousands beneficiaries naman ang nabigyan sa Luzon.
Malinaw ang nakasaad sa itaas na nais ng pamahalaan natin na maibsan ang kagutuman at kahirapan dito sa ating bansa. Ang tanong ng marami, sapat na ba ang tulong pinansiyal na ito? Hindi kaya mas tinuturuan nating maging pala-asa at tamad ang ating kababayan?
Ayon kay Ginang Dinky Soliman, dapat sa taong 2012 ay may positibong resulta na ang programang ito. Kung noong 2009 survey, walong tao ang nagsabi na nakaranas siya ng pagkagutom, malamang sana naman kahit maging apat sa taong 2102, may makita tayong resulta.
Maganda ang adhikaing ito, may pagbabago sa programa ng pamahalaan kung ito ay mapapanatili at nakasunod sa layuning pang matagalan at hindi nakatuon lamang sa panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon at magtatapos din pagkatapos ng kanilang termino. Meron silang tinatawag na Techinical Working Group na binubuo ng  Department of Health ( DOH ), Department of Education (DEPED), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Interior and Local Government (DILG) na magtutulungan upang maisakatuparan ang mga nakalatag na plano at gawain sa programang ito.
Ayon sa aking nakausap na beneficiary ng programang ito, binigyan sila ng ATM card para duon na lamang kunin ang pera, meron din silang pagtitipon kada buwan para i-update sila sa mga plano na nakapaloob sa programang ito. Dumano ay may livelihood program din na isasagawa para sa kanila.
Hindi ako naniniwalang tamad ang mga Pilipino, bigyan lamang tayo ng pagkakataong makapagtrabaho at kumita, minamahal natin ang ating trabaho. Ang mga Pilipino, mahilig ‘yan sa inpsirasyon, sa pagtingin at sa pakikipagkapuwa tao. Kapag ipinakita natin na bawat isa ay mahalaga sa lipunang ito, hindi ba’t mas nakakaakit tayo ng positibong pananaw sa buhay, kung kaya naman sa pakikipagtulungan ng mga iba’t ibang NGO’s at private sector, hindi malaong may nakikita tayong pagbabago.
Umaasa ako na hindi lamang ito isang ningas kugon na programa. Makikita natin ang resulta nito kung mas liliit ang bilang ng Pamilyang Pilipino na kasali sa programang ito.
Makipagtulungan tayo. Mas mapalad tayo kaysa sa kanila, meron din tayong sariling paggaud sa buhay pero mas matibay ang paniniwala ko na ‘di hamak na mapalad tayo. Malapad ang kamay at kakayahan para magbahagi kesa sa tayo ang tulungan.

http://jkulisap.com/tag/pantawid-pamilyang-pilipino-program/